HiGh SchOOL SCRibbleS (cold file 2)
a nostalgic apparitiOn
Katatapos ko lang manood ng wrestling kasama ang tatay at isa kong kuya. Hinintay pa nila ang Old Creek Manor na palabas sa Star Movies. Ako naman eh nahiga na upang matulog. Ngunit di ako makatulog dahil hinihintay ko ang reply ng isang kaibigan. Nakakahiya naman kung tulugan ko yung ka-text ko, di ba? Pagkalipas ng ilang minuto ay di pa rin tumutunog ang cell phone ko. Natulog na din ang tatay at lumabas ng kuwarto si Kuya Tin. Nilabanan ko ang antok sa aking mga mata hanggang sa di na ako dinalaw pa nito.
Sa aking pagkakahiga, nagsimula akong mag-isip. Napagtanto kong marami na ngang mga tao ang nagpaparamdam sa akin sa larangan ng pag-ibig. Merong nag-aalok ng relasyon, nagpapaalam na manligaw, at may iba namang sex lang ang habol – pft!
Handa na nga ba akong pumasok sa isang relasyon? Ngunit gaya ng sinabi ko sa isa kong taga-hanga, eh, naisip kong maaari ngang hindi pa ako handa. O baka “sila” yung hindi handa sa makikilala nilang “ako.” Mataas ang tingin ko sa sarili. Maaaring dahil dito kaya’t di ako makahanap o makapili ng magiging ka-ibigan. Pwede rin na ang mithi kong maging isang fairy tale ang aking love story ang nagiging sagabal sa pakikipag-relasyon ko. Baka protective lang ako sa sarili ko. O di kaya’y paranoid-slash-hysterical. Pero, kung sa bagay, wala akong karapatan magmahal kung di ko kaya ang masaktan. Hindi ko alam. Ang tanging alam ko lamang, eh, karapat-dapat akong makaranas ng pagmamahal. Ewan. Engot. Epal.
Naririto pa rin ako, balot ng kumot at naghihintay na dalawing muli ng antok sa madilim na silid. Inilagay ko sa vibra mode ang cell ko at hindi binitawan upang malaman ko pa rin kung mag-reply pa yung ungas na yun.
Sa katahimikan ng gabi ay biglang humilik si tatay. Ngunit ang hilik niya ay may kasamang ibang tunog na galing sa barado niyang ilong. Biglang tumulo ang aking mga luha. Ngunit hindi ako humagulgol ng iyak. Kinausap ko ang sarili ko at ang aking May Likha.
Grabeng hirap at sakripisyo na ang ginawa ng aming mga magulang para maibigay sa amin ang magandang buhay naming magkakapatid ngayon. At gaya ng laging sinasabi nila, ayaw nilang maranasan namin ang sobrang hirap na dinaanan nila simula pagkabata. Mas mahirap pa sila sa daga noon kung tutuusin. Minsan eh hinihiwalay pa nila ang mga “pwede pa” sa mga patapon na na mga gulay sa palengke na dapat ay kaning-baboy na. Minsan naman eh isang klaseng ulam lamang ang menu nila sa isang buwan. At ang ulam daw nila sa pananghalian ay minsan ice drop o saging dahil iyon lamang ang kaya ng baon nila. Kailangan pa nilang mag-igib noon ng tubig mula sa tabing nayon tuwing hatinggabi upang may magamit sila sa bahay kung kaya’t medyo pandak silang magkakapatid hanggang ngayon. Dumating din sa kanila ang paghihiwalay ng kanilang mga magulang. Marami pa. Hindi magkakasya sa isang episode ng Magpakailanman o MMK ang istorya nila noon. Ngunit ang pinakamasakit daw ay ang di makita ng aking lolo ang mga pagpupunyagi nila ngayong nangag-asenso na silang lahat dahil sa ito’y pumanaw na.
Kaya ako napaiyak ng matagal dahil sa gusto kong mabigyan ng mas masaganang buhay ang aking mga kapatid lalo na ang aking mga magulang. Di ko man masuklian ng buo ang kanilang pagmamahal ay kahit kaunti man lang magawa ko. Gusto kong dumating yung panahon na hindi na nila kailangang kumayod-kalabaw para mabigay ang magandang buhay sa amin. Gusto kong sila naman ang magbuhay hari at reyna. Gustong-gusto kong mabigyan sila ng malusog na pangangatawan dahil para sa akin ay iyon ang pinakamagandang kayamanan na maaaring makamit sa mundo. Gusto kong makita ang walang humpay na mga ngiti sa kanilang mga labi. Mga ngiting totoo at wagas na siyang kaligayahan lamang ang makapagbibigay.
Pakiramdam ko ay wala akong magawa. Umiiyak ako dahil hindi ako sanay na walang ginagawa sa mga suliranin na kinakaharap ko. Dahil, sa sitwasyong ito, tanging panahon lamang ang makapagsasabi kung kaya ko itong masolusyunan.
Maaari ring “na-ho-homesick” lamang ako dahil malapit na akong mag-aral sa unibersidad na malayo sa pamilya ko.
Dito na rin nangibabaw ang mga kasagutan sa mga nagpapabigat sa aking isipan at damdamin ngayon. Pag-aaral. Unang-una, pag-aaral ang dahilan kung bakit mawawalay ako sa pamilya ng panandalian. Maaaring ma-homesick ako, ngunit ito ay isa lamang sa mga daan-daang pagsubok na kakaharapin ko sa pinili kong daan. Ang pag-aaral ang siyang armas ko upang magtagumpay at maibigay ang aking layon para sa pamilya. At di hamak na mas matimbang talaga ang pagmamahal ko sa aking pamilya kumpara sa pagmamahal ko sa ibang tao. Datapwa’t igugol ko ang aking isipan, damdamin, at panahon sa aking pag-aaral.
Nagpasalamat ako sa Kanya dahil sa pribadong pakikinig niya sa’kin ngayong gabi. Ito pala ang rason kung bakit hindi ako nakapasok sa simbahan noong isang araw. Dahil dito pala magiging mas mapayapa ang aming pag-usap. Dito sa mapayapang higaan. Dito sa madilim na silid na inilawan ng Lumikha.
22:59

0 Comments:
Post a Comment
<< Home